Pagtutol ng mga pribadong kompanya at negosyo sa turismo sa infra projects, sinita ng isang kongresista

Tinuligsa ni Kabayan Rep. Ron Salo ang mga tourism stakeholders at mga negosyante sa pagtutol nila na ilaan sa tourism related infrastructure projects ang ₱10 billion na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2.

Bukod dito ay nagtataka rin si Salo sa biglang pagpabor ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa nais ng Tourism Congress of the Philippines na ilaan ang pondo para sa “dole-out” ng mga malalaking pribadong kumpanya sa tourism industry gayong ipinagbabawal ito sa ilalim ng batas.

Duda si Salo na sariling interes lamang ng mga capitalists at business owners sa sektor ng turismo ang kanilang iniisip at naisasantabi rito ang kapakanan ng mga manggagawa, empleyado at small industry players.


Iginiit ng kongresista na may hiwalay naman na ₱51 billion na inilaan para sa pautang sa mga negosyo na idadaan sa mga Government Financial Institutions (GFIs) upang matiyak na karapat-dapat ang pauutanging tourism business at dadaan ito sa tamang proseso.

Sinabi naman ni Tourism Chairman at Laguna Rep. Sol Aragones na may multiplier effect ang pag-iinvest na gagawin sa infrastructure projects sa turismo partikular na sa pagbibigay trabaho sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Hinamon naman ni Deputy Speaker Johnny Pimentel si Sec. Puyat na bisitahin ang mga tourist destinations sa malalayong lalawigan upang personal na makita ang hindi maayos na daan, walang comfort rooms at kawalan ng maayos na pasilidad.

Dagdag pa na hamon ng kongresista kay Puyat, gumawa ito ng mas maayos na plano para makabangon ang industriya ng turismo kung patuloy niyang aayawan ang pagtatayo ng mga tourism infrastructure facilities.

Facebook Comments