PAGTUTUOS NG MGA KALAHOK SA BROD CHALLENGE 2022, KASALUKUYAN

Cauayan City, Isabela- “Masaya pero nakakapagod” ito ang naging pahayag ni Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Officer Ronald Viloria sa kasalukuyang ginagawang elimination round sa mga kalahok para sa ika-anim na bugso ng Barangay Responders on Disasters (BROD) Challenge sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay CDRRMO Officer Ronald Viloria, limang barangay ang inaasahang maglalaban-laban para sa Kampeonato habang tatlong grupo naman sa hanay ng uniformed personnel ang magtutuos para sa Inter Agency Responders Disasters Challenge.

Kaugnay nito, maghaharap naman ngayong araw sa Cauayan City Sports Complex ang mga kalahok mula sa mga barangay ng West Tabacal region habang sa Huwebes naman ang Tanap region at Biyernes naman sa Poblacion Area.

Pinaka-inaabangan naman sa Sabado ang gagawing elimination round para sa Inter-agency Disasters Responders Challenge na lalahukan ng PNP, BFP, BJMP, Philippine Air Force, POSD at iba pang grupo.

Bukod dito ay mayroon ding inihandang kompetisyon para sa mga kababaihan na proyekto ng Gender and Development o GAD, DRRM at LGU Cauayan na 1 st Jaycee Dy Inter Barangay First Aid Olympic na matutunghayan sa Cauayan City National High School kung saan nasa tatlumpung barangay na ang nagkumpirmang sasali sa kompetisyon.

Ang mga mananalo sa per region ng Lungsod at Top 3 sa Inter-Agency ay sasalang sa BROD Challenge Championship sa July 28, 2022 na gaganapin sa Hacienda de San Luis, Cauayan City.

Tatanggap naman ng kaukulang premyo ang mga mananalo kung saan nasa halagang P70,000 ang makukuhang premyo ng Champion na barangay; P30,000 pesos sa 2nd place at P20,000 naman sa 3rd Placer.

Bukod sa cash prize, bibigyan rin ng trophy ang mga mananalo at insentibo sa iba pang mga kalahok.

Ayon pa kay Viloria, layunin ng BROD Challenge na magkaroon ng sariling disasters response team ang bawat barangay at mabigyan din ang mga ito ng karagdagang kaalaman sa pagresponde sa kalamidad o anumang sakuna.

Paalala naman nito sa mga barangay na nagwagi sa per region na paghandaan na ang nalalapit na Championship dahil hindi lamang aniya ito madali at simpleng kompetisyon.

Facebook Comments