Pagtuturo ng Media and Information Literacy sa elementary at highschool, isinulong sa Kamara

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang magbibigay ng kasanayan sa mga estudyante kung paano mag-fact-check online ng mga nababasa lalo na sa social media.

Sa inihaing House Bill No. 4690 ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting, nakapaloob ang paglalagay ng Media and Information Literacy sa basic education curriculum mula elementary hanggang high school.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Tambunting na layon ng panukala na matutunan ng mga bata ang pagtukoy sa fake news o misinformation at mahikayat silang maging responsable sa paggamit ng internet.


Makatutulong din aniya ito para hindi mabiktima ang mga kabataan ng laganap ngayon na text scams.

Sa ilalim din ng panukalang batas, inaatasan ang Department of Education na magsumite sa Kongreso ng annual report ng kanilang review sa pagpapatupad ng Media and Information Literacy Program.

Facebook Comments