Nilinaw ng Palasyo na hindi sapilitan kundi boluntaryo lamang ang ginawang pagbabakuna sa ilang mga sundalo ng anti COVID-19 vaccines.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kung sino lang ang may gusto ay ‘yon lamang ang tinurukan ng Sinopharm.
Sinabi pa ng kalihim na ang pagbabakuna sa mga sundalo ay may go signal mula sa kanilang mga commanders.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Roque makaraang banggitin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa talumpati nya noong Sabado na ilang myembro na ng militar ang naturukan na ng bakuna.
Una nang sinabi ni Roque na hindi bawal ang pagtuturok ng unregistered vaccines, ang tanging ipinagbabawal lang sa ilalim ng ating batas ay yung pagbebenta at distribution nito.
Nabatid na hindi pa nabibigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang Sinopharm pero ito ay may EUA na mula sa China FDA.
Kanina kinumpirma rin nila Philippine Army Chief Lieutenant General Cirilito Sobejana at Department of the Interior and Local Government (DILG) Chief Eduardo Año na may ilang sundalo, Presidential Security Group (PSG) at cabinet members na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccines.