Ipinagpaliban ng pamahalaan ang pagtuturok ng booster dose sa mga non-immunocompromised na batang edad 12 hanggang 17 dahil sa ilang mga kondisyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC).
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson at Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje, sisimulan na sana kaagad ang pagtuturok ng booster sa mga malulusog na kabataan ng naturang age group ngunit naglatag ng kondisyon ang HTAC na dapat munang umabot sa 40% ang booster coverage ng mga senior citizen sa kani-kanilang lugar bago ito i-rollout.
Sinabi pa ni Cabotaje na sinusubukan pa rin nilang makipag-negosasyon sa HTAC hinggil sa nasabing kondisyon at umaasa sila na mapagdedesiyunan ito ngayong araw.
Base sa guidelines ng Department of Health (DOH), ang mga immunocompromised individual na nasa edad 12-17 ay maaaring makatanggap ng kanilang unang booster pagkatapos ng 28 araw na naturukan ito ng second dose habang ang mga non-immunocompromised individual naman ay dapat maghintay ng hindi bababa sa limang buwan.