Pagtuturok ng booster shots sa mga OFWs na aalis ng bansa, hindi dapat madaliin

May ilang patakaran pa rin na kailangang sundin bago makapagturok ng booster shots sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na magtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, hindi agad-agad mabibigyan ng ikatlong dose ang OFWs na nagmamadaling umalis ng Pilipinas dahil sa ilang kadahilanan.

Una, kailangan munang unahin ang mga priority group sa mabibigyan ng booster shots partikular ang mga medical frontliner at senior citizens.


Pangalawa, kailangang sapat ang bakuna ng Local Government Unit (LGU) na tinitirhan ng nasabing OFWs at may go signal din mula sa gobyerno.

At pangatlo, importanteng anim na buwan muna ang lumipas matapos matanggap ang primary vaccination bago magpaturok ng booster shots.

Sa ngayon, tinatalakay pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbibigay ng 3rd dose o booster shot sa mga paalis ng OFWs kasama na ang mga seafarers.

Inaasahan namang maglalabas din ang IATF ng guidelines hinggil dito.

Facebook Comments