Binigyan na ng “go signal” ng Department of Health (DOH) ang pagtuturok ng COVID-19 bivalent vaccine sa general public.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, nagpasya na ang executive committee (Execom) na gawing available sa publiko ang COVID-19 bivalent vaccine dahil sa mabagal na pagkonsumo ng mga paunang dose nito, na ang target ay mga partikular na variant ng COVID-19 tulad ng Omicron.
Dagdag pa ni Herbosa, bumaba na ang supply ng bakuna dahil malapit na sa “extended shelf life” ang expiration o pagkasira ng mga ito.
Matatandaang donasyon mula sa Lithuania ang dumating na bivalent vaccines noong June at nag-expire na noong July 31, pero pinalawig pa ng manufacturer ang shelf life nito hanggang katapusan ng Agosto.
Inihayag pa ng DOH na 38% lamang ng mahigit 390,000 doses ng COVID-19 bivalent vaccine ang nagamit noong buwan ng Hulyo.