Bilang chairman ng Senate Committee on Health, ay tiwala si Senator Christopher Bong Go, na dumaan sa masusi at maingat na pagsusuri ang mga bakuna bago inilabas sa publiko.
Nirerespeto ni Go ang tumututol sa pagbabakuna sa mga batang edad lima hanggang labing-isa kasama ang naghain ng petisyon sa korte para ito ay ipatigil.
Pero giit ni Go, ang pagbabakuna sa mga bata kontra COVID-19 ay pinag-aralang mabuti ng mga health experts at aprubado din sa Estados Unidos at iba pang bansa.
Binanggit ni Go na ang vaccine roll out sa mga bata ay suportado din ng Philippine Pediatric Society (PPS) at ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP).
Diin ni Go, lahat ng COVID-19 vaccines na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ay napatunayang ligtas at epektibo, at sa katunayan ay mahigit walong milyong bata na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccines, walang report ng malubhang side effect nito at pagkamatay.
Bunsod nito ay pinapayuhan ni Go, ang mga magulang na may agam-agam sa COVID-19 vaccines na sumangguni sa kanilang mga doktor, gayundin sa health experts o sa Department of Health (DOH) upang mailatag nang maayos ang mga impormasyon na dapat nilang malaman.
Sinabi din ni Go, na huwag basta-basta maniwala sa kung anong mga ipinapakalat sa social media dahil ang bakuna ang susi para makabalik sa normal ang ating pamumuhay.