Pagtuturok ng ikalawang booster dose sa mga immunocompromised individuals, aarangkada na ngayong araw

Aarangkada na ngayong araw ang pagtuturok ng ikalawang booster shot ng COVID-19 vaccine para sa mga immunocompromised individuals.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring magpaturok ng fourth dose ang mga indibidwal na mahigit tatlong buwan na mula nang nabakunahan sila ng unang booster.

Kabilang sa mga tinatawag na immunocompromised ang mga pasyenteng tumanggap ng organ transplant, cancer patients, umiinom ng immunosuppressants, HIV/Aids patients at mga mahihina ang immune system.


Sabi pa ng Department of Health, gagamitin sa pagbibigay ng booster ang mga bakuna ng Astrazeneca, Moderna, Pfizer, Sinopharm at Sinovac.

Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang second booster para sa mga senior citizen, immunocompromised at frontline health workers.

Pero prayoridad muna ngayon ang immunocompromised individuals dahil nakumpleto na ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang kanilang assessment sa naturang sektor.

Facebook Comments