Paguho ng poste ng itinatayong MRT, patunay na dapat nang repasuhin ang national building code

Iginiit ni House Committee on Metro Manila Development Chairman at Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na dapat nang repasuhin at palitan ng National Construction Code ang kasalukuyang National Building Code.

Sinabi ito ni Valeriano, kasunod ng pagguho ng isang poste sa itinatayong MRT sa bahagi ng West Avenue sa Quezon City at mga aberya sa iba pang mga itinatayo o bagong tayo na mga istraktura sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Valeriano, napatunayan ngayon na ang National Building Code, Structural Code of the Philippines, at mga umiiral na regulasyon ay hindi na akma para mabigyang proteksyon ang mga bahay, gusali at mga tulay laban sa iba’t ibang insidente, mga kalamidad at pagkalat ng mga nakakahawang sakit.

Diin ni Valeriano, kailangan ng bagong batas tulad ng National Construction Code na naglalaman ng mga probisyon at mekanismo para maproteksyunan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko at mapanagot ang responsable sa mga sablay na konstruksyon ng iba’t ibang mga proyektong pang-imprasktura sa bansa.

Facebook Comments