Pagwasak ng higit ₱3 bilyong halaga ng iligal na vape products, pangungunahan ni PBBM ngayong umaga

Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang public condemnation o pagwasak ng 2,977,925 na nakumpiskang forfeited electronic vapes, vape parts at accessories ngayong umaga sa Bureau of Customs, Port Area, Manila.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang mga nasamsam na item ay nagkakahalagang ₱3.26 billion.

Ang pagkakakumpiska sa mga item ay bunga ng sampung seizure operations na isinagawa ng Port of Manila, Manila International Container Port at Intelligence Group.


Isasailalim ito sa proseso ng condemnation o pagsira para matiyak na hindi na makararating sa merkado at makapipinsala sa kalusugan ng publiko, lalo na ng mga kabataan.

Batay sa Bureau of Customs, ang dalawang container van na naglalaman ng 233 boxes ng vape ay galing China na inihalo sa mga plastic ware.

Sasampahan naman ng kaukulang reklamo ang hindi pa pinapangalan consignee at broker ng mga produkto na bigong sumipot nang buksan ang mga container van para inspeksyunin.

Facebook Comments