Pagwasak, Pagsunog sa mga Armas ng CPP-NPA, Patunay na ‘Di Nire-recycle ng Militar- 5ID

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ni Army Major Jeckyll Julian Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang paratang ng mga teroristang NPA na ginagamit o nire-recycle umano ng kasundaluhan ang mga armas na isinuko, narekober at nakumpiska mula sa mga rebeldeng grupo.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Maj. Dulawan, patunay aniya rito ang ginawang demolisyon ng pamunuan ng 5ID sa mga armas na pagmamay-ari ng mga miyembro ng CPP-NPA sa Lambak ng Cagayan at Cordillera Region kaya’t malinaw aniya na hindi ito napapakinabangan ng kasundaluhan.

Isinagawa ang pagsira at pagsunog sa 31 piraso ng mga matataas na kalibre ng armas nito lamang ika-9 ng Nobyembre sa pangunguna mismo ng kanilang Commanding General na si Maj. Gen. Laurence E. Mina upang hindi na muling magamit sa karahasan at kapahamakan ng taong bayan.


Ayon pa kay Maj. Dulawan, magaganda pa ang ilan sa mga firearms pero dahil sa pagmamay-ari ang mga ito ng mga NPA ay nilagari at sinunog na lamang ng Army Disposal Team ng 5ID.

Bago sirain ng disposal team ang mga armas, dumaan muna ang mga ito sa masusing proseso at tiniyak na wala ng mga legal impediments.

Samantala, nakatakda naman sa mga susunod na araw ang pagsira rin sa 47 pang mga armas dahil hinihintay na lamang na mailabas ang clearance ng mga ito.

Facebook Comments