Muling binuksan sa publiko ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church ang Pahalik sa Itim na Poong Nazareno, kahapon, Abril 1.
Ayon kay Rev. Fr. Danichi Hui, binuksan ang Pahalik mula alas-4:00 ng umaga hanggang sa magsara ang simbahan kagabi at hindi nilimitahan sa mga debotong ang paghawak sa imahen ng Poong Nazareno.
Pero nilanaw naman ni Fr. Hui na may mga safety protocols pa rin silang ipinatutupad tulad ng pagdi-disinfect ng kamay bago humawak sa imahen ng Poon.
Ipinagbawal din ang pagpahid ng panyo o kahit anong uri ng tela sa imahe dahil hindi ito nadi-disinfect.
Samantala, ikinatuwa naman ng mga deboto ang pagkakataon na mahawakan muli ang Itim na Nazareno at hiniling na sana sa susunod na taon ay maibalik na ang Traslacion.