
Mas mainam na huwag na lamang patulan ang naging pahayag ng isang Chinese maritime expert na ang Pilipinas ang dapat na magbayad ng danyos hinggil sa nangyaring banggaan ng dalawang barko ng China sa Bajo de Masinloc kamakailan.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi na ito dapat pang patulan dahil alam naman ng buong mundo kung sino talaga ang may kasalanan.
Sinabi pa ni Trinidad na kilala ang China sa paglalabas ng taliwas sa katotohan na mga pahayag.
Matatandaang tinangkang ipitin ng barko ng Chinese People’s Liberation Army-Navy at ng Chinese Coast Guard vessel ang PCG vessel, pero nakaiwas ito, dahilan para magsalpukan ang dalawang barko ng China sa Bajo de Masinloc.
Samantala, suportado ng AFP ang paghahain ng panibagong diplomatic protest kasunod ng habulan na nauwi sa banggaan ng mga barko ng China.
Una nang pinapurihan ng AFP ang ginawa ng PCG na nag-alok pa ng tulong sa China Coast Guard sakaling may mga tauhan silang nahulog sa karagatan.









