Tahasang itinanggi ni Dr. Edsel Salvana, infectious disease specialist na ang Pilipinas lamang sa buong mundo ang gumagamit ng face shield.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Salvana na sa Peru ay minandato rin ng kanilang gobyerno ang pagsusuot ng face shield noong huling nagkaroon ng COVID-19 surge sa naturang bansa.
Paliwanag pa nito, kahit sa Amerika ay may pag-aaral na ginawa na talagang dagdag proteksyon ang pagsusuot ng face shield kasama ang face mask, hindi nga lamang ito ma-i-require ng United States government dahil hirap sila na maipatupad kahit ang pagsusuot doon ng face mask.
Idinagdag pa nito na may pag-aaral ding ginawa sa mga community healthcare workers sa India kung saan marami ang nahawa sa virus noong face mask lamang ang suot pero nang mag-face shield ang mga ito ay hindi na kinapitan ng COVID-19.
Kasunod nito, posible namang ipatigil na ang pagsusuot ng face shield sa bansa lalo na kapag nakamit na ang population protection.