Manila, Philippines – Maituturing pang premature ang pahayag ni Solicitor General Jose Calida na iligal at walang bisa ang kontrata sa pagitan ng TADECO at ng Bureau of Corrections.
Giit ni Alex Valoria, President/CEO ng TADECO, hindi pa tapos ang ginagawang pagsusuri ng DOJ sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng BuCoR at TADECO.
Bukod rito, ni hindi pa rin aniya nasisimulan ng Kamara ang imbestigasyon sa nasabing kontrata.
Higit sa lahat wala parin aniyang naihahaing kaso sa anumang korte para sa kanselasyon ng nasabing Joint Venture Agreement.
Binigyang diin ni Valoria na tanging ang korte lang ang makakapagdeklarang void o walang bisa ang isang kontrata.
Dagdag pa nito na ilang kalihim na ng DOJ at ilang congressional investigations na ang dinaanan ng kanilang joint venture agreement pero sa huli ay napapatunayan parin itong balido at nakakatulong at hindi ikinalulugi ng BuCoR at estado.
Tiniyak naman ni Valoria na handa ang TADECO na sagutin ang lahat ng isyu na may kinalaman dito.