Kundenahin umano muna ng ACT Party-list ang talamak na recruitment ng New People’s Army sa iba’t ibang unibersidad dahil ito ang pinakamarahas na paglagay sa kapahamakan sa mga estudyante sa bansa.
Ito ang maanghang na patutsada ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema matapos sabihin ng grupong ACT na parehong kultura daw ng karahasan sa mga eskwelahan ang hatid ng fraternity at Reserve Officers’ Training Corps o ROTC kaya’t ibasura na raw ang planong pagbuhay dito.
Sabi ni Cardema, walang dahilan para ikonekta ng makakaliwang grupo ang nangyaring fraternity hazing sa kanilang pagtutol sa ROTC.
Aniya, sa fraternity hazing halos taon-taon ay may namamatay pero sa 110 taon na kasaysayan ng ROTC sa Pilipinas ay isa lang ang naging kaso na isolated pa dahil nangyari ang insidente na hindi parte ng ROTC training.
Paliwanag ng pinuno ng NYC, maganda at estrikto ang mga nakasaad sa probisyon ng Anti-hazing Law para maiwasan ang pagkamatay at mabigat na penalty maging sa eskwelahan at participants.
Pero ang mali lang aniya ay pinag-uusapan at binabasa lamang ang batas sa oras na mayroon na namang namatay.
Dahil dito mungkahi ni Cardema, magkaroon ng malawakang information campaign tungkol dito sa mga eskwelahan para magkaroon ng sapat na kaalaman ang lahat laluna ang mga estudyante.