Tinawag ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino na kabastusan na ang mga pahayag ng China Coast Guard (CCG) laban sa Pilipinas.
Batay sa pahayag ni CCG Spokesperson Gan Yu, nananadya at ginagalit ng Pilipinas ang China dahil sa patuloy na paglabag natin sa kanilang soberanya, karapatan at interes sa Ayungin Shoal.
Maging ang China Foreign Ministry ay sinasabing iniimbitahan natin ang sarili para mapahiya na ang tanging layunin lang naman ng Pilipinas ay makapaghatid ng suplay sa mga Pilipinong nakaistasyon sa isla na sakop ng teritoryo ng bansa.
Giit ni Tolentino, kabastusan na ang mga ganitong pahayag laban sa atin at lubos na ring nakakabahala ang mga aksyon at mga salitang binibitawan ng China.
Sinabi pa ng senador na maraming puwedeng gawin ang Malacañang para ipakita ang ating paggiit sa karapatan ng bansa at isa na rito ang pag-recall sa ating Ambassador sa China.
Nitong Sabado lamang Marso 23, ay muling hinarang at inatake ng dalawang barko ng China ang sibilyan na resupply boat na Unaizah May 4 na kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para mag-resupply sa mga tropa na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.