Pahayag ng China na ang Pilipinas ang nagpapalala ng tensyon sa WPS, kinontra ni PBBM

 

Kinontra ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na ang Pilipinas ang nagpapalala ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod ito ng pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na dapat nang tigilan ng Pilipinas ang paggamit ng isyu sa South China Sea (SCS) para palalain ang tensyon sa rehiyon.

Ayon sa pangulo, hindi naman tayo ang nagsisimula ng gulo at problema sa rehiyon.


Abala aniya siya sa pamamalakad ng bansa at pag-ayos sa buhay ng mga Pilipino kaya hindi niya alam ang sinasabi ni Wenbin na pang-uudyok para magkaroon ng tensyon.

Tinawanan lang din ni Pangulong Marcos ang usapin na posibleng joint oil exploration ng China at Pilipinas sa WPS.

Ito’y matapos sabihin ng China National Offshore Oil Corporation na may tinatayang 100 milyong tonelada ng langis sa karagatan.

Gayunpaman, tiniyak ng pangulo na pinupursige niya ang free trade agreement kasama ang European Union para makahikayat ng marami pang investors.

Facebook Comments