Mariing kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pahayag ng China na pinayagan nila ang medical evacuation para sa maysakit na miyembro ng Philippine Navy.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, katawa-tawa ang pahayag na ito ng China lalo na’t tila pinalalabas na sila ang may awtoridad sa karagatan na bahagi ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Binatikos din ni Tarriela ang China na sinadya umanong i-delay at harangan ang medical evacuation nang ilang oras.
Ayon kay Tarriela, patunay ito na walang pakialam ang China sa humanitarian mission.
Nitong Linggo, July 7 nang magsagawa ang Armed Forces of the Philippines at PCG ng emergency medical evacuation para sa isang Philippine Navy personnel na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.