
Mariing pinabulaanan ng National Maritime Council (NMC) ang post ng China na bahagi umano ng kanilang teritoryo ang Batanes.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NMC Spokesperson Usec. Alexander Lopez, malinaw na bahagi lamang ito ng propaganda at kasinungalingang paulit-ulit nang ginagawa ng China upang lituhin ang publiko.
Ipinaliwanag ni Lopez na hindi ito nalalayo sa mga nauna nang pahayag ng China na kanila raw ang Palawan at ilang bahagi ng West Philippine Sea, bagay na napatunayang walang basehan.
Giit niya, malinaw sa buong mundo na ang Batanes at ang West Philippine Sea ay sakop ng teritoryo ng Pilipinas alinsunod sa umiiral na batas at pandaigdigang kasunduan.
Dagdag pa ni Lopez, nariyan ang arbitral ruling na nagpapatunay sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, bagay na patuloy na kinikilala ng international community.









