Pahayag ng China ukol sa “new model” na kasunduan kaugnay sa Ayungin Shoal, umani ng batikos mula sa mga kongresista

Inulan ng batikos mula sa mga kongresista ang pagpapalutang ng Chinese Embassy na mayroon umanong “New Model” na kasunduan na pinasok ang Armed Forces of the Philippines (AFP) – Western Command sa mga Chinese authorities para sa pangangasiwa sa Ayungin Shoal.

Malinaw para kay Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ito ay bahagi ng propaganda ng China para paghati-hatiin ang mga Pilipino sa isyu ng WPS.

Diin naman ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez, iresponsable ang naturang pahayag ng China dahil nakikita naman ang coordinated attacks na ginagawa nila para pigilan ang re-supply missions sa ating teritoryo tulad ng pag-water cannon sa ating mga barko.


Sabi naman ni Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon, mukhang ang China lamang ang nakakaalam ng sinasabi nitong kasunduan na kung totoo man ay maaaring bawiin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., dahil hindi naman nakatali rito ang kasalukuyang administrasyon.

Iginiit naman ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na sakaling totoo ang naturang kasunduan, yun ay illegal at unconstitutional lalo’t hindi dumaan at sinang-ayunan ng Senado.

Facebook Comments