Sinupalpal ng grupong Nagkaisa Labor Coalition ang naging pahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na binantaan ang mga manggagawa na mawawalan ng trabaho kapag hindi sila bumalik sa trabaho, gayong ang mga pampublikong transportasyon ay nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, papaano umano makakapasok sa trabaho ang mga manggagawa kung wala namang transportasyon na bumabiyahe sa lansangan.
Bunsod nito, hinamon ni Atty. Matula si Lopez at lahat ng mga opisyal ng gobyerno na sundin ang iniuutos ng kalihim nang hindi gumamit ng kanilang sariling sasakyan upang maranasan nila kung gaano kahirap na pumapasok sa trabaho ng walang pampublikong sasakyan.
Giit pa ni Atty. Matula, dapat ipaalala kay Secretary Lopez na ang bagong Occupational Safety and Health Law na nakasaad sa Labor Code na binibigyan ng karapatan ang mga manggagawa na tumanggi na pumasok sa trabaho kung sa pakiramdam niya na ang kanyang kapaligiran ay hindi ligtas sa pagbiyahe papasok sa trabaho.