Pahayag ng gunman na umamin sa pagkakapatay kay Percy Lapid na mula sa loob ng bilibid na nagmula ang utos, aalamin ng DOJ!

Paiimbestigahan na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang alegasyong galing sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang nag-utos na ipapatay ang beteranong radio broadcaster na si Percy Lapid.

Ito ay kasunod ng pagharap sa media kaninang umaga ng gunman na si Joel Estorial, 39-anyos at inamin nito na ang mastermind ay nasa loob ng NBP, kung saan binayaran ang kaniyang grupo ng P550,000 at anim silang naghati-hati rito at P140,000 umano ang pumasok sa kaniyang bank account.

Ayon kay Remulla, gusto pa niya marinig ang iba pang detalye na isiniwalat ng gunman at hihingin niya ito ng personal kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., at kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.


Dagdag pa ng kalihim, aalamin nila kung sino ang utak sa krimen at dapat mailabas siya at mapanagot.

Tiniyak din ni Remulla na pro-protektahan ang testigo dahil masyadong malalim ang kaso sa pagpaslang kay Lapid.

Facebook Comments