
Biniberepika pa rin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang umano’y inilabas na pahayag ng mga rebeldeng Houthi na hawak nila ang 16 na Pilipinong tripulanteng ng MV Eternity C.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol dito.
Dalawang pahayag kasi aniya ang kanilang natanggap, kung saan ang isa ay sinasabing hawak ng grupo ang mga tripulante habang ang isa naman ay galing sa Amerika na kung saan tinutuligsa ang claims ng mga rebelde.
Samantala, sinabi naman ni Cacdac na nasa mabuting kalagayan na ang limang nailigtas na tripulante, pero hindi nila pwedeng ihayag kung nasaan ang mga ito ngayon para sa kanilang seguridad.
Sa ngayon aniya ay nagpapahinga ang mga ito at sumasailalim sa karampatang medical attention bago maglahad ng mga detalye ng buong pangyayari.









