Tinutulan ng University of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law ang pahayag ng ina ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo na dapat managot ang unibersidad sa pagkasawi ng noo’y law freshman.
Ayon kay Atty. Nilo Divina, Dean ng UST Faculty of Civil Law, palaging ipinapatupad ng university ang mga polisiya na layong protektahan ang lahat ng kanilang estudyante.
Sa kabila nito, may iilang estudyante aniya na mas pinipiling hindi sumunod sa mga panuntunan.
Inirerespeto pa rin daw ni Divina ang pahayag ni Ginang Carmina Castillo pero hindi raw siya sang-ayon dito.
Samantala, muling nagpaabot ng pakikiramay at panalangin si Divina sa pamilya Castillo.
Patuloy rin aniya ang kanilang mga ginagawa upang hindi na maulit ang ganitong insidente.
Nasawi si Castillo noong 2017 dahil sa mga injury na natamo sa hazing sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Sampu sa mga ito ang hinatulan ng reclusion perpetua dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law.