Pahayag ng isang doktor na mas delikado pa ang bakuna kaysa COVID-19, kinondena ng DOH

Kinondena ng Department of Health (DOH) ang pahayag ni Dr. Romeo Quijano, isang retired teacher sa University of the Philippines (UP)-Manila hinggil sa masamang epekto ng mga bakuna at ang pagiging mas delikado nito kaysa sa mismong virus.

Ayon sa DOH, posibleng mapanagot ang sinumang health official na nagpapakalat ng maling impormasyon lalo na at nagpapatuloy ang vaccination program ng gobyerno.

Binigyang-diin muli ng DOH na nakapagbibigay ng proteksyon mula sa pagkakaospital at kamatayan ang mga bakuna kontra COVID-19.


Sa interview naman ng RMN Manila, umapela si DOH Usec. Eric Domingo sa publiko na suriing mabuti ang mga impormasyong nababasa tungkol sa bakuna.

“Nagkakamali po sila ‘no, baka hindi nila inaral nang husto ang scientific evidence at ang paraan ng pag-develop ng mga bakuna. Kahit naman po ang UP sinabi na ‘no na hindi naman po nila pinaninindigan itong sinabi ng isang retired teacher namin doon,” ani Domingo.

“Ang sa atin naman po, ang ginagawa na lang natin ay maglabas ng tamang impormasyon at makiusap sa ating kababayan na sana po kapag sila ay pipili ng pakikinggan ay titingnan din naman po nila saan nanggagaling yung impormasyon na kanilang nababasa at napapanood.”

Naglabas na rin ng pahayag ang UP College of Medicine at ang UP-Philippine Geneal Hospital (PGH) na sumusuporta sa vaccination program ng gobyerno at tiniyak na ligtas at nakabase sa pag-aaral ang mga bakuna.

Facebook Comments