Pahayag ng isang UN official na tumutuligsa sa war on drugs, pinalagan

Manila, Philippines – Pumalag ang Palasyo sa naging pahayag ni United Nations High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet ukol sa war on drugs.

Sinabi kasi ni Bachelet sa isang pahayag nito, hindi dapat tularan ng ibang bansa ang anti-drug war campaign ng Pilipinas.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maling impormasyon ang naibigay kay Bachelet na pinalutang ng mga kritiko ng presidente.


Iginiit ni Panelo na sumusunod sa mahigpit na protocol ang mga otoridad sa kanilang anti-illegal drug operations taliwas sa sinabi ni Bachelet na ang drug policies ay walang paggalang sa rule of law.

Ayon pa sa kalihim, ang pundasyon ng Criminal Justice System sa Pilipinas ay nananatiling gumagana at epektibo.

Sinabi pa ni Panelo na ikinokonsidera ng Pilipinas na ang problema sa droga ay may kinalaman din sa kahirapan at problemang pangkalusugan.

Ibinida rin ni Panelo na tinutulungang makapagbago at magamot ang mga nalulong sa droga sa pamamagitan ng mga binuong mega-rehabilitation centers ng bansa.

Facebook Comments