Pahayag ng NEDA na mababawi ngayong Oktubre ang bilyun-bilyong pisong nalugi sa ekonomiya, kinontra

Hindi kumbinsido ang isang ekonomista na mababawi agad ngayong buwan ang bilyun-bilyong pisong nalugi sa ekonomiya dahil sa COVID-19 crisis.

Ito ay kahit ibinaba na sa Alert Level 3 ang National Capital Region kung saan mas maraming establisyimento na ang pinapayagang magbukas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa na wala naman itong direktang epekto sa mga ordinaryong Pilipino.


Giit ni Africa, dapat na tulungan muna ng gobyerno ang mga manggagawang naapektuhan ng pandemya bago sila magyabang na mababawi na ang nalugi sa ekonomiya.

Aniya, dito pa lamang kasi sa kalakhang Maynila ay aabot na sa dalawang milyong pamilya ang wala nang ipon mula pa nang magsimula ang pandemya.

Una rito, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na nasa karagdagang P14.2 billion ang kikitain ng gobyerno ngayong Oktubre matapos ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila.

Facebook Comments