Pahayag ng PAGCOR sa umano’y pagkasasangkot ni Bamban Mayor Alice Guo sa illegal POGO hubs

Nais nating sagutin ang mga pahayag ni Atty. Nicole Rose Margaret Jamilla na ipinapasa
sa PAGCOR ang sisi kung bakit may mga kasong kriminal na isinampa ang Department
of the Interior and Local Government laban sa kanyang kliyenteng si Mayor Alice Guo ng
Bamban, Tarlac.

Malinaw ang mga patakaran ng PAGCOR. Kapag lumabag sa batas ang mga binigyan
namin ng lisensiya, ito man ay provisional license o regular license, pinapatawan agad sila
ng matinding parusa at multa, at kung malubha ang kasalanan ay kinakansela agad ang
lisensiya.

Walang kinalaman ang PAGCOR sa pagbibigay ng mga lokal na business permit at
lisensiya. Hindi rin namin responsibilidad ang inspeksyon ng mga gusaling wala sa ilalim
ng aming poder. Ang pag-iisyu ng gaming license ay batay sa aming sariling panuntunan
at sa mga dokumentong isinusumite ng mga aplikante.


Sa kaso ng sinalakay na compound sa Bamban noong Marso 13, 2024, isa sa mga
kumpanyang nasa loob ng compound ay ang Zun Yuan Technologies, Inc. na noon ay
may hawak na provisional license mula sa PAGCOR na ipinagkaloob noong Oktubre 19,
2023.

Ang nakarehistrong address ng Zun Yuan ay nasa ikalawa, ikatlo at ikaapat na palapag
ng A1 Building sa loob ng compound ng Baofu Land Development Inc. May mga tauhan
doon ang PAGCOR mula sa Compliance, Monitoring and Enforcement Department upang
bantayan ang kanilang operasyon.

Bukod sa nasabing address, walang krapatan ang PAGCOR na puntahan ang ibang mga
gusali sa loob ng nasabing compound na mahigit walong ektarya ang lawak, kung saan
ang ibang mga gusali ay malalayo at hindi basta-basta mapapasok. Walang legal na
batayan ang mga tauhan ng PAGCOR upang pasukin at alamin ang nangyayari sa mga
nasabing pribadong lugar dahil labas ito sa aming saklaw.

Bukod sa pagmamatyag at pagpapatupad ng aming mga alituntunin, ang tanging papel
lamang ng PAGCOR sa sinalakay na compound ay ang pagbibigay ng pansamantalang
lisenya sa Zun Yuan Technologies, na agad binawi matapos ang raid noong Marso 13.

Bilang paglilinaw, sa panahon lamang ng kasalukuyang pamunuan ng PAGCOR
natuklasan at naisiwalat ang mga totoong anomalyang sangkot ang mga Philippine
Offshore Gaming Operators o POGO.

Sa panahon lamang ng kasalukuyang administrasyon ng PAGCOR nagkaroon ng hindi
kukulangin sa sampung pagsalakay laban sa mga hinihinalang gawaing krimina; sa loob
ng mga POGO kaya nalantad ang mga anomalya katulad ng natuklasan sa Bamban,
Tarlac.

Facebook Comments