Pahayag ng Pangulo laban sa EU officials, hindi dapat gawing literal ayon sa Palasyo

Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na hindi dapat tanggaping literal ang lahat ng sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang naging pahayag na bibitayin umano ang lahat ng opisyal ng European Union.

 

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang gusto lamang sabihin ni Pangulong Duterte ay hindi dapat makialam ang EU sa internal affairs ng Pilipinas dahil nakikita aniya ng Pangulo ang panghihimasok ng EU sa kanyang pamumuno.

 

Sa harap nito ay inilarawan naman ni Abella na maganda naman ang relasyon ng Pilipinas at ng EU lalo na sa aspeto ng ugnayang pang ekonomiya.

 

Patunay lang aniya dito ay ang patuloy na pagpasok ng mga European investors sa bansa pati na rin ang pagtulong ng EU sa paglaban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Rehabilitation Centers sa bansa.


Matatandaang sinabi na ng pamunuan ng EU ha hindi katanggap-tanggap ang naging pahayag ni Pangulong Duterte sa kanila.



Facebook Comments