Hindi makapaniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa inihayag ni Pangulong Rodrigo Dutere na iligal kung sasagutin din ng gobyerno ang gastos kaugnay ng magiging side effect ng COVID-19 vaccine na bibilhin ng pribadong sektor.
Paalala ni Drilon, ang indemnity clause sa COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ay hiniling nina Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., dahil hinihingi ng mga vaccine manufacturer.
Sabi ni Drilon, bilang aksyon sa hiling nina Duque at Galvez ay kanya itong ipinasok na amyenda sa COVID-19 Vaccination Program Act.
Ayon kay Drilon, ₱500 million mula sa Contingent Fund ang inilaan sa ilalim ng batas bilang indemnity fund.
Giit ni Drilon, sinertipikahan pa itong urgent ng Pangulo kaya agad nilang inaksyunan at ipinasa.
Diin ni Drilon, ito ay nilagdaan na ni Pangulong Duterte at ganap ng batas kaya nakakagulat na kontra dito ang sinasabi ng Pangulo.