Pahayag ng Pangulo patungkol sa arbitral ruling, tama raw ayon sa DND

Walang mali sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong sabihing walang international law enforcement body na magpapatupad ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana pero binigyang diin na patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang teritoryo nito.

Ayon sa kalihim, malinaw ang direktiba ng Pangulo na ipagtanggol ang pag-aari ng bansa na hindi makikipagdigma at itaguyod ang kapayapaan sa karagatan.


Kaya aniya hindi titigil ang Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagpatrolya sa West Philippine Sea (WPS) at Kalayaan Island Group.

Matatandaang sa arbitral ruling noong July 2016, kinilala ang karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone nito sa West Philippine Sea, batay na rin sa international law.

Ngunit hindi kinilala ng China ang desisyon at patuloy ang pag-aangkin sa buong WPS batay na rin sa kanilang nine dash line “historical claim”.

Facebook Comments