Nakikipag ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y kasunod na rin ng naging pahayag nito na alam umano niya ang kinaroroonan ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, alam naman kasi halos ng lahat ang personality ng dating pangulo na pala-joke o palabiro.
Kaya mayroon na aniyang ginagawang hakbang ang pamahalaan para malaman ang intensyon ni Duterte sa paglalabas ng nasabing pahayag.
Paglilinaw ni Fajardo, ang mga ganitong klaseng usapin ay hindi dapat ginagawang biro, sapagkat mayruong mga bata at ilang kababaihan ang nabiktima ng pangmomolestiya at pang aabuso na sumisigaw ng hustisya.
Paalala pa nito, sa ilalim ng Presidential Decree 1829 mapapanagot sa batas ang sinumang nagtatago sa isang kriminal.
Una nang sinabi ng PNP na kanilang kinokonsidera na dagdagan ang pabuya para sa ikadarakip ng puganteng si Apollo Quiboloy.