Manila, Philippines – Minaliit lamang ng Palasyo ng Malacañang ang pahayag ni CPP-NPA Founding Chairman Joma Sison na dapat ay palakasin pa ng mga rebelde ang hakbang para mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi na alam ni Sison ang realidad dito sa Pilipinas dahil napakalayo nito at matagal na itong wala.
Isa aniya itong failed rebellion dahil wala namang naging magandang bunga ang 50 taong rebelyon at ang mga taong dapat ay kanilang ipinagtatanggol ang nagiging biktima nito.
Binigyang diin pa ni Panelo na walang bigat ang mga banta ni Sison dahil ito ay puno ng ilusyon at panahon na para ito ay maliwanagan.
Pero sa kabila nito ay sinabi din naman ni Panelo na ang kailangang gawin ay bantayan ang mga NPA sa grounds na gumagawa ng pagsalakay.
Tiniyak din naman ni Panelo na handa ang Pamahalaan sa anomang banta ng rebeldeng grupo.