Pahayag ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles na huwag nang magsuot ng face mask, kinontra ng JTF COVID Shield

Iginiit ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield na mahalaga ang sumusunod sa mga umiiral na health at safety protocols para bumaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay matapos ang panawagan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa publiko na huwag nang magsuot ng face mask at manalig na lamang sa pananampalataya sa Panginoon para makaiwas sa COVID-19.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, bagamat iginagalang niya si Bishop Arguelles bilang isa sa mga maimpluwensyang lider ng simbahang Romano Katoliko sa bansa, dapat pa rin umanong alagaan ang sarili para hindi magkasakit.


Sinabi pa ni Eleazar, siya ay Katoliko at naniniwala sa Panginoon bilang “great healer” pero naniniwala siya na nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

Kaya malaki aniya ang papel ng tao para protektahan ang sarili sa virus, batay na rin sa mga rekomendasyon ng health experts na binibigyan ng wisdom ng Panginoon.

Dagdag pa niya, hindi dapat magbanggaan ang Science at religion lalo na ngayong COVID-19 pandemic.

Giit ng opisyal, dapat na maging magkatuwang para malabanan ng bansa ang sakit at makamit ang “to heal as one” na target ng gobyerno.

Facebook Comments