Suportado ni Tourism Secretary Christina Frasco ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ukol sa pangangailangan na mapabuti ang tourism infrastructure at pagpapatupad ng proactive policies upang palakasin ang industriya.
Ayon kay Frasco, maraming polisiya ang mapaiigting sa national at local level na magagawa sa pamamagitan ng koordinasyon upang matutukan ang karanasan ng isang turista mula sa point of entry hanggang sa destinasyon.
Isusulong ni Frasco ang tourism infrastructure at accessibility, komprehensibong digitalization at connectivity, pagpapalakas ng tourism governance at pantay-pantay na tourism product development at promotion.
Pagtutuunan aniya ng pansin ang pagpapaangat ng ranking ng bansa sa tourist arrivals at preference na sa kasalukuyan ay pang-anim lamang sa Southeast Asia.
Naniniwala rin ang kalihim na makakabangon ang ekonomiya sa tulong ng domestic tourism na magpapataas din sa regional at global standing ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay magpapatupad ang DOT ng cross province collaboration, pagtatatag ng tourism circuits sa mga rehiyon at product mapping sa mga lugar na hindi gaanong nabibigyan ng atensyon.