Pahayag ni Pangulong Duterte laban kay Sen. Pacquiao, base sa maling impormasyon

Ikinalungkot ni Senator Manny Pacquiao na misinformed o mali ang impormasyong nakarating kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa kanyang pahayag kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Iginagalang ni Pacquiao ang pahayag ni Pangulong Duterte pero mariin nitong kinontra ang opinyon ng pangulo na mababaw ang pang-unawa niya sa foreign policy kaya dapat muna siyang mag-aral.

Buo ang paniniwala ni Pacquiao na ang kanyang sinabi ay reflection ng sentimyento ng nakararaming Pilipino na dapat ay matibay ang ating paninindigan para protektahan ang ating sovereign rights habang ipinagpapatuloy ang mapayapa at diplomatikong solusyon.


Magugunitang sinabi ni Pacquiao sa panayam ng Senate media na nakukulangan siya sa tugon ng pangulo sa patuloy na pag-angkin ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Sabi ni Pacquiao, hindi naman kailangang mag-jetski si Pangulong Duterte sa West Philippine Sea pero mainam kung matutupad ang pangako nito noong panahon ng kampanya na ipaglalaban ang ating teritoryo.

Diin ni Pacquiao, siya ay isang Pilipino na nagpahayag lang ng dapat sabihin para ipagtanggol ang deklaradong pag-aari ng ating bansa.

Facebook Comments