Pabor ang grupong Teacher’s Dignity Coalition (TDC) sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang pasok sa mga paaralan habang wala pang bakuna.
Ayon kay TDC President Benjo Basas, nakatuon naman umano ang Department of Education (DepEd) sa mga alternatibong pamamaraan ng pag-aaral habang wala pang pormal na deklarasyon ng pagbubukas ng klase.
Paliwanag ni Basas, mayroon din umanong sapat na oras ang mga guro na sanayin ang kanilang technical capacity at iba pang skills upang makuha ang bagong normal.
Dagdag pa ni Basas na dapat simulan na ng Kongreso ang proseso na amendahan ang batas na nag-aatas na magsisimula ang klase sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Una na ritong sinabi ni Federation of Associations of Private School Administrators (FAPSA) President Eleazardo Kasilag na nag-alok ang kanilang grupo ng iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo, kung saan kailangan din umano na isama ng gobyerno ang mga pribadong paaralan sa mga opsyon dahil malaking epekto sa kanilang hanay kapag ang gobyerno ay magdeklara ng mahabang holiday.