Umalma si Vice President Leni Robredo sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang “humanity” ang mga kriminal.
Ayon sa Bise Presidente, likas na sa bawat isa ang karapatang pantao at walang sinuman o anuman ang makakapag-alis ng karapatang ito.
Dagdag pa ni Robredo, hindi maaaring isantabi ang report mula sa Human Rights Watch dahil hindi ito isang isolated na report at mula ito sa isang independent body.
Matatandaang ipinahayag ni Pangulong Duterte na walang “humanity” ang mga kriminal bilang tugon na din sa report ng Human Rights Watch na ang drug war ng administrasyong Duterte ay giyera kontra sa sangkatauhan.
Una rito, nagpalabas din ng report ang Amnesty International na sinasabing maituturing na extra-judicial killings ang mga napapatay ng pulisya sa kanilang mga operasyon kontra droga.
Samantala, nagpahayag naman kahapon si pangulong Rodrigo Duterte na walang makakapigil sa pagtutulak ng pamahalaan na muling buhayin ang parusang kamatayan sa bansa.