May bigat ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang naging pananaw ng foreign policy expert at UP-political science professor na si Clarita Carlos kaugnay sa pahayag ni Pangulong Duterte sa United Nations General Assembly na panghahawakan ng Pilipinas ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Netherlands na pumapabor sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Carlos na kahit naging manipis ang naging posisyon ni Pangulong Duterte sa isyu sa South China Sea, mayroon itong bigat at makabuluhang hakbang upang igiit ng Pilipinas ang claims nito sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Pero para kay Carlos, dalawa hanggang tatlong usapin lang sana ang tinutukan ng Pangulo upang mas nabigyan niya ng pansin at punto ang bawat isyu.
Para naman kay dating Philippine Ambassador to the United Nations Lauro Baja, bagamat magandang simula para sa bansa, dapat ay mas lalo pang idiniin ng Pangulong Duterte ang posisyon ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Samantala, naniniwala naman ang international studies expert na si Prof. Rommel Banlaoi na pinahahalagahan pa rin ni Pangulong Duterte ang relasyon nito sa China.
Ayon kay Banlaoi, hindi binanggit ng Pangulo ang sigalot sa Taiwan Strait na nangangahulugang pinapahalagahan nito ang pagiging magkaibigan ng China at Pilipinas.
Maituturing namang “strong message” sa China ayon kay Banlaoi, ang paggigiit ng Pangulo sa tagumpay ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal.