Iniutos na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. General Cirilito Sobejana sa AFP provost marshall na imbestigahan ang pahayag ni Lt. General Antonio Jr. laban sa isang journalist.
Ayon kay Sobejana, nabasa niya lang sa balita na pinaiimbestigahan sa kanya ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging pahayag ni Parlade na inaakusahan ang isang media practitioner na tagasuporta ng local terrorist group.
Ito ay matapos na isulat nito ang artikulo kaugnay sa mga Aeta na biktima umano ng Anti-Terror Law.
Utos ni Sobejana sa provost marshall na makipag-ugnayan sa strategic communication committee ng National Task Force to End Local Armed Conflict o NTF-ELCAC para matukoy kung may basbas ng komite ang kanyang pahayag.
Una nang inihayag ni Sobejana na sa kanyang pag-upo bilang AFP Chief ay titiyakin niyang lahat ng ilalabas ng militar na listahan o dokumento ng mga indibidwal na mga kalaban ng estado ay may pinagbatayang ebidensya.