Sinang-ayunan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay na “rubout” at hindi “misencounter” ang pamamaril ng mga pulis na ikinasawi ng apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Sa isang statement, ipinaliwanag ni AFP Spokesperson Major Gen. Edgard Arevalo na ibinatay ni Gen. Gapay ang kanyang mga pahayag sa impormasyong nakarating sa kanya.
Sinabi pa ni Arevalo, ang pananaw ni Gapay sa insidente ay naka-base sa spot reports at eyewitness accounts ng dalawang sibilyan at maging ng sundalong naka-motor na bumubuntot sa sasakyan ng mga nasawi.
Sa ngayon, mayroon nang autopsy report pero ayaw na muna nilang i-pre-empt ang pormal na pag-anunsyo ng resulta.
Dagdag pa ni Arevalo, na nakikiisa ang buong AFP sa pagdadalamhati ni Gen. Gapay sa pagkamatay ng kanyang mga tauhan at kaisa sa pagnanais na mapanagot ang mga sangkot sa insidente.