Nilinaw ngayon ng National Task Force COVID-19 ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng gumamit na siya ng Batas Militar sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa interview ng RMN Manila kay National Task Force COVID-19 Spokesman Brigadier General Restituto Padilla, ipinaliwanag nito na sinabi lang ito ng Pangulong Duterte dahil sa pagkabahala sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pero, sinabi ni Padilla na malabo na magkaroon ng Martial Law dahil kailangan pa ang pahintulot ng Kongreso.
Binigyan diin ni Padilla na nasa kamay pa rin ng mga eksperto ang desisyon kung papalawigin o hindi ang ECQ sa April 30.
Ayon kay padilla, sakaling i-lift ang ECQ, posibleng paunti-unti lamang ito upang hindi magkaroon ng second wave ng COVID-19 sa bansa.
Kaya panawagan ni Padilla sa publiko, huwag maging pasaway at tumulong sa mga otoridad sa pamamagitan ng pananatili sa tahanan.
Dahil sa dami ng kaso ng covid-19, ilang lungsod na sa Metro Manila ang nagpatupad ng total lockdown o “extreme community quarantine”.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Joint Task Force COVID-19 shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na sa ilalim ng “extreme community quarantine” mas kontrolado na ang galaw ng isang komunidad.
Kabilang sa mga isasailalim sa total lockdown ang Sampaloc, Maynila upang mapababa ang kaso ng nagkakasakit.
Mula sa 432 cases at 47 total death, sa Sampaloc naitala ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa lungsod na aabot sa 95 at sinundan ng Tondo na may 41 cases.