
Hindi raw maituturing na “pagmamahal ng kapatid” ang ginawa ni Senadora Imee Marcos laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na’t walang malinaw na batayan ang paratang.
Ito ang pahayag ng Malacañang kasunod ng akusasyon ng senadora na gumagamit umano ng illegal na droga ang pangulo mula pa noong kabataan nito.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na paninira ang ginawa ng senadora at hindi maituturing na akto ng pagmamalasakit.
Imposible rin aniyang may isyu sa kalusugan ang pangulo, lalo pa’t nagawa nitong mag-donate ng kidney sa kanyang ama, isang bagay na hindi magagawa ng taong may diperensya sa kalusugan.
Giit pa Castro, tila mas pinoprotektahan pa raw ng senadora ang mga personalidad na sangkot sa isyu ng korupsiyon kaysa sa mismong kapatid na nagsusulong umano ng mga imbestigasyon para labanan ang katiwalian sa gobyerno.









