Tinawag na isang desperadong hakbang ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag ni Senadora Imee Marcos na gumagamit umano ng iligal na droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Castro, ginamit lang muli ang isyu dahil walang makita ang senadora at mga kaalyado nito na ebidensiya ng korapsyon laban sa pangulo habang lumalalim ang imbestigasyon sa flood control anomalies.

Nakapagtataka aniya na ngayon lang pinupuntirya ng senadora ang drug issue laban sa kapatid, lalo’t hindi nito kinuwestiyon ang dating pag-amin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng fentanyl.

Giit pa ni Castro, boluntaryong nagpa-drug test ang pangulo noong Nobyembre 2021 at negatibo ang resulta, na kinumpirma rin ng St. Luke’s Medical Center–BGC sa medical certificate noong Mayo 13, 2024.

Nanawagan din ang opisyal kay Sen. Imee na makipagtulungan na lang sa imbestigasyon sa flood control projects para matukoy ang mga tunay na dapat managot.

Facebook Comments