
Pumalag ang isang miyembro ng House prosecution panel na si Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa sinabi ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri na isang “witch hunt” ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Diin ni Defensor, hindi nararapat ang ganitong pahayag mula sa isang senador na uupong isa sa mga judge ng Senate Impeachent Court.
Giit ni Defensor, ang mga senator-judges, ay dapat umiwas sa pagbibitaw ng mga salitang tila nagpapakita ng pagkiling o paghusga sa kaso bago pa man ang paglilitis kung saan ilalatag ang mga ebidensya.
Ayon kay Defensor, dahil sa pahayag ni Zubiri ay hindi maiwasan na isipin ng iba na gusto na agad ibasura ang kaso laban sa bise presidente kahit hindi pa nagsisimula ang trial.
Paalala ni Defensor, ang impeachment ay nakasaad sa Konstitusyon, galing sa kalooban ng taumbayan at sinuportahan ng 215 na mga miyembro ng Kamara para dalahin sa Senado.









