Manila, Philippines – Pumalag ang Palasyo ng Malacañang sa naging pahayag ni Communist Party of the Philippines founding Chairman Joma Sison patungkol sa plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sinabi kasi ni Sison na mayroon nang inatasang mga tao si Pangulong Rodrigo Duterte para bumili ng boto para maipanalo ang plebesito sa ARMM.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, walang katuturan ang mga pinagsasabi ni Sison dahil puro delusional analysis ang mga sinasabi nito sa mga political events sa bansa na isang patunay na ignorante ito sa mga nangyayari sa bansa.
Sinabi din ni Panelo na nagtataka pa nga sila kung bakit binibigyan pa ng bigat ng media ang pinagsasabi ni Sison gayong wala namang katuturan ang mga sinasabi nito.
Umaasa at naniniwala aniya sila na mananalo ang BOL sa plebesito hindi dahil sa vote buying at pamimilit ni Pangulong Duterte na inaakusa ni Sison kundi dahil sa paniniwala ng publiko na ito ang tunay at tanging paraan para magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.