
Umalma ang Independent Commision for Infratructure (ICI) sa naging pahayag ni VP Sara Duterte na hindi na kailangan ng komisyon para mag-imbestiga sa anomalya sa flood control projects.
Ito’y dahil ginagamit umano ng administrasyon ang komisyon para sa sarili niyang ‘kwento.’
Ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, nag-iimbestiga at kumikilos sila batay sa mga ebidensya at sa kanilang mga nalalaman.
Hindi umano sa kung anong narrative o kwento lang ang papel ng ahensya dahil inaalam at pinapahalagahan nila ang mga testimonya at dokumento na isinusumite ng bawat resource person na kanilang iniimbestigahan.
Ani Hosaka, paulit-ulit nilang sinasabi na kahit sino pa ang personalidad ay dapat makulong basta’t mapatunayan na sangkot sa pagnanakaw ng pera ng bayan.
Nanawagan din ang komisyon sa kung sino pa ang nakakaalam ng mga maanomalyang proyekto ay agad na ipaalam sa ICI para agad na maimbestigahan.
Una nang sinabi ng Bise Presidente na kaya tinatag ang komisyon ay para palabasin ang anumang kwento ng administrasyon sa korapsyon sa likod ng mga proyekto.









