Kasabay ng selebrasyon ng World Teachers’s Day ay ipinaalala ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman na ang mga eskwelahan ay dapat maging templo ng kaalaman at hindi lugar para sa pagsasagawa ng surveillance.
Tugon ito ni Lagman sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang mga kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan at sinuman ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.
Bunsod nito ay iginiit ni Lagman na ang kalihim ng edukasyon na syang ginagampanan din ni VP Sara ay dapat na isang guro at hindi centurion o ang tumatayong commander ng militar sa sinaunang hukbong romano.
Una rito ay nagpasya ang House of Representatives na tanggalan ng confidential funds sa ilalim ng proposed 2024 national budget ang Department of Education at Office of the Vice President at iba pang ahensya na walang direktang mandato sa pagtiyak ng seguridad ng bansa.